#StoriesFromTheCommunities: Jeminda “Nay Minda” Bartolome

#StoriesFromTheCommunities: Jeminda “Nay Minda” Bartolome

Si Nay Minda, 61 gulang, ay halos dalawang dekada nang nakikipaglaban sa dambuhalang pagmimina ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation sa Bataraza. Siya ay isang magsasaka. Lider-kababaihan. Tanggol-kalikasan.

Isang nanay.
Isang lola.

Halos kasing tanda na niya ang minahan sa Rio Tuba. Umikot na ang kalakhan ng buhay niya, ng mga anak at ng mga kaapo-apohan niya, sa panganib na dala ng pagmiminang deka-dekada na. Umiikot at nakatali sa kasalatan sa kabila ng binabalandra ng pamahalaang pag-unlad na bitbit ng pagmimina.

Halos 55 taon na nang sinimulang hukayin ng dambuhalang minahan ang Palawan. Mahigit limang dekada na nang hinahati ng mga salitang “Manila-hired”, “natibo vs. kristyano vs. muslim”, “pro-mining vs. anti-mining”, “dayuhan”, at “dayuhan” ang mga komunidad na nanglilimos sa loob ng sariling lupaing ninanakawan ng yaman.

Noong 2019, inaprubahan ng DENR ang paglapad ng operasyon ng minahan sa bundok ng Bulanjao na nagwasak sa mga itinalaga ng batas na “core zones” ng bundok.

2,500 ektaryang huhukayin.
52,000 punong itutumba.
Dambuhalang pinsala.

Walang habas ang pandarambong. Walang katapusan ang marahas na kasibaan. Lumulubha lahat sa ilalim ni Marcos Jr.

Ano ang kapalit? Noong 2024, may naitalang mapanganib na lebel ng hexavalent chromium sa Togpon river, ang pinakamataas sa loob ng 15 taong pag-aaral sa kalidad ng katubigan sa Bataraza. Ang nasabing nakakalasong kemikal ay nagiging sanhi ng kanser, sakit sa baga, at iba pang malubhang sakit.

Ngunit hanggang sa ngayon, walang pananagutang nangyayari sa bahagi ng korporasyon at ng pamahalaan.

Kaya hindi basta-basta napapawi-pawi ang diwang magpatuloy ni Nay Minda. Kasama ang iba pang mga kababaihan at magsasaka, tuloy-tuloy ang pagsulong ng karapatan nila sa kabuhayan at ligtas na kapaligiran.

Mahigpit pa rin niyang tinatangan ang nais ipagkaloob na bukas para sa mga salinlahi, bagama’t mabigat. Bagama’t may mga kasamahang ipinagpahinga na ang laban.

At bagama’t oras at panahon na ang kalaban niya.

Sa deka-dekadang walang kapagurang pakikipagbuno ni Nay Minda na lumaban, masigasig pa rin siyang maningil ng pananagutan.

Hindi lang para sa sarili…

Kung hindi ay para sa mga tumatangan din ng laban, anumang relihiyon o pinagmulan. Para sa isang lipunang ang natatanging yamang maipagkakaloob sa salinlahi ay ang kinabukasang marapat sa lahat: ligtas, masagana, at malaya mula sa pandarambong.

Sa gitna ng imperyalistang tunggalian ng US at China, sa kanilang pag-aagawan ng rekurso ng mga mamamayan, inaasahan pa ang mas malawak at marahas na pinsala sa kalikasan at komunidad.

Ang mga polisiya’t proyektong niraratsada ni Marcos Jr. gaya ng EO 122 , US-PH MOU on critical minerals deal, at Pax Silica ay mga mekanismo ng pandaramabong na tinutulak ang ating komunidad sa pagkalipol, pagkaubos, at pagkawasak.

Itakwil at labanan ang imperyalismong US. Lansagin ang halimaw na makinang digmang nandarahas, nandarambong, nanunupil.

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.