Kalikasan People’s Network for the Environment
Statement
March 07, 2025
Matagal na tayong nagkakaisa sa laban para sa hustisya. Ang laban ng mga manggagawa ng Nexperia ay laban din nating mga tanggol-kalikasan at ng mamamayan. Sa harap ng walang humpay na pagsasamantala ng mga kapitalista, ang pagwewelga ay isang makatarungang paraan upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa makabuluhang dagdag sahod, seguridad sa trabaho, at respeto sa kanilang dignidad bilang mga manggagawa.
Ang pambabarat ng Nexperia sa sahod ng mga manggagawa ay hindi lamang isang isyu ng paggawa. Ito ay isang isyu rin ng hustisyang panlipunan at pangkapaligiran. Paano magkakaroon ng masaganang pamumuhay at ekonomiya ang mga Pilipino kung ang mga manggagawa ay binabayaran ng kakarampot na sahod na hindi sapat para sa kanilang pangangailangan? Paano natin mapoprotektahan ang ating kalikasan kung ang mga kumpanya ay walang pakialam sa kapakanan ng kanilang mga manggagawa at sa komunidad na kanilang pinaglilingkuran? Tama lamang na itigil ang kanilang produksyon para pakinggan ang hiling ng mga manggagawa.

Dalawang beses nang nilabag ng Nexperia ang Collective Bargaining Agreement (CBA) ng mga manggagawa—tinanggal ang apat na lider ng unyon, binawasan ang signing bonus, at pilit na tinatanggihan ang panawagang ₱50 dagdag-sahod, sa halip ay ₱17 lamang ang inaalok sa ikalawang negosasyon sa Department of Labor and Employment (DOLE). Kumikita ng ₱400 milyon ang transnational na kumpanyang Nexperia mula sa pagbebenta ng mga semiconductor sa iba’t ibang bansa, ngunit ipinagkakait nito ang dagdag-sahod sa mga manggagawang nagpapayaman sa kanila.

photo by All Nexperia Fight
Tugon ng dayuhang general manager at union buster ng Nexperia na si Garreth Hughes, kasama ang mga kapulisan, sa mga unyonista ay isang food blockade! Pinatay rin ang kuryente sa loob ng pagawaan at pinutol ang suplay ng malinis na tubig para sa pag-inom at sanitasyon. Bukod dito, isang manggagawa ang nangangailangan ng agarang medikal na interbensyon ngunit hindi pinayagang lumabas dahil sa harang ng mga pulis na nakasuot ng riot gear. Ito ay isang tahasang paglabag sa karapatang mag-unyon at isang malinaw na pagtatangkang takutin ang mga manggagawang lumalaban para sa kanilang mga karapatan.
Kaisa tayo ng mga manggagawa ng Nexperia sa paglaban sa ganitong sistema ng pagsasamantala. Ang kanilang tagumpay ay tagumpay rin nating lahat. Sama-sama nating itayo ang isang lipunan kung saan ang hustisyang panlipunan at pangkapaligiran ay nagkakaisa para sa isang tunay na masagana at makatarungang kinabukasan para sa lahat.
Ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa mag-unyon! Ipaglaban ang kalikasan!

