Ikinagagalak ng Kalikasan People’s Network for the Environment ang pagkalaya nila Jonila Castro at Jhed Tamano, dalawang magigiting na tanggol-kalikasan o environmental defender, mula sa hawak ng 70th Infantry Batallion at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Kahapon, sa pagkalaya ng dalawa, nakita natin na, sa gitna ng kadiliman ng tuloy-tuloy na atake sa mga tanggol-kalikasan sa buong bansa, kaya nating igiit ang ating karapatan at karapatan ng kapwa Pilipino sa sama-samang pagkilos.
Sa mismong salaysay nila Jhed at Jonila, napakinggan rin natin ang karumal-dumal na aksyon ng militar at ng NTF-ELCAC sa pagdukot, pagtortyur, at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao ng dalawang batang tanggol-kalikasan. Binangga ng dalawa ang naratibong inilalako ng NTF-ELCAC na walang pagdukot ang nangyari, at sila ay kusang sumuko bilang rebelde. Sa ganitong paraan, nilantad ng dalawa ang kasinungalingan ng NTF-ELCAC, ng militar, at iba pang mga ahensyang sangkot sa kasong ito. Sa puntong ito, malinaw na dapat nang buwagin ang NTF-ELCAC at singilin ang adminstrasyong Marcos Jr. sa lahat ng pasistang atake na hinaharap ng mga tanggol-kalikasan ng Pilipinas.
Ngunit hindi dito nagtatapos ang laban. Bukod sa pangangailangan na singilin ang administrasyong Marcos Jr, nariyan pa rin ang isyu ng reklamasyon sa Manila Bay na, sa kabila ng mga mababangong pangako ng ating presidente, tuloy na tuloy pa rin. Ang mga proyekto ng San Miguel Corporation, Boskalis, at iba pang mga malalaking kumpanya na nakikinabang sa pagkawasak ng mga bakawan, buhura, at palaisdaan sa Manila Bay ang nagtulak kina Jhed at Jonila na tumugon at tumungo sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong. Kung ang pakay ng mga dumakip kina Jhed at Jonila ay pahinain ang umuusbong na kilusan laban sa reklamasyon sa Manila Bay, wala silang napala kundi palakasin ang diwa ng lahat ng Pilipinong lumalaban para sa kalikasan at karapatang pantao.
Sa diwa nila Jhed at Jonila, sa diwa ng lahat ng mamamayang lumalaban para depensahan ang Manila Bay, ituloy natin ang laban! Reklamasyon at kumbersyon, tutulan! Manila Bay, ipaglaban!
#NoToReclamation
#DefendTheDefenders
#DefendManilaBay

