Labor Day 2023: Sahod, Itaas! Presyo, Ibaba!

Labor Day 2023: Sahod, Itaas! Presyo, Ibaba!

Nakikiisa ang Kalikasan People’s Network for the Environment sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa ngayong Mayo Uno 2023. Sa kabila ng lumalalang krisis sa ekonomiya, inuuna pa rin ng administrasyong Marcos-Duterte ang pagpapapasok ng sundalong Amerikano sa ating bansa at pagraratsada ng mapangwasak na proyekto kagaya ng reklamasyon.

Damang-dama ng manggagawang Pilipino ang kahirapan dulot ng mga polisiyang pang-ekonomiya ni Marcos Jr., na walang ginawa kundi pahirapan ang masang anakpawis. Sa dami ng mga pangako ni Marcos sa kanyang kampanya noong nakaraang taon, nariyan pa rin ang mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin, at malawakang kontraktwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa. Dahil sa matinding kahirapan, manggagawang Pilipino rin ang unang apektado pag dating sa mga krisis sa kalikasan katulad ng lumalalang climate change o pagbabagong-klima.

Kaya marapat lang na sumama sa hanay ng mga manggagawang lumalaban ang mga makakalikasang grupo. Ipaglaban natin ang karapatan ng manggagawa at masang Pilipino, kabilang dito ang karapatan para sa matiwasay at malusog na kalikasan! Pabagsakin natin ang sistemang nagpapahirap sa mamamayan, na siyang dahilan rin ng malubhang pandarambong sa ating likas na yaman! Pandayin ang bagong bukas, tungo sa isang lipunang makatarungan at makakalikasan, para sa lahat!

SAHOD, ITAAS! PRESYO, IBABA!
HUSTISYANG PANLIPUNAN, HUSTISYANG PANGKALIKASAN!

#LaborDay2023
#MayoUno2023