Pahayag ng Kalikasan People’s Network for the Environment
Pebrero 24, 2025
Nakikiisa ang Kalikasan People’s Network for the Environment sa pakikibaka ng mamamayang Mindoreno laban sa matinding militarisasyon na kakambal ng malawakang pandarambong sa isla ng Mindoro.
Ang aerial strafing ng 76th Infantry ‘Victrix’ Battalion sa Brgy. Ang Pola noong Pebrero 19, 2025, ay hindi hiwalay na insidente, ngunit bahagi ng isang sistematikong militarisasyon sa kanatyunan na naglalayong patahimikin ang paglaban ng mamamayan sa mga mapinsalang proyektong nagpapalayas at sumisira sa kapaligiran at kabuhayan ng maralitang magsasaka at katutubo. Bahagi ito ng papel ng militar na magsilbing protektor ng interes ng korporasyon sa pagmimina, kumpanya ng enerhiya, at kanilang mga kasosyong pulitiko na nag-aangkin sa mayamang saribuhay at lupang ninuno ng mga Mindoreno.
Mula sa pananakop ng 68th IBPA sa Sitio Kalinisan hanggang sa presensya ng 4th IBPA sa Bulalacao, kitang kita ang pagkilos ng militar bilang pwersang panseguridad ng mga panginoong maylupa, kumprador, at kanilang mga dayuhang kasosyo. Dito rin pinaslang ang katutubong kabataan na si Jay-El Maligday at pinaratangang kasapi ng mga pulang hukbo. Ang mga kumpanya tulad ng PITKIN Limited Petroleum at Intex Mining ay hindi nagdudulot ng pag-unlad kundi pandarambong. Ang pagtulak na isama ang Mindoro sa mapagsamantalang mga kasunduan sa kalakalan na Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP ay isang kataksilan sa pambansang patrimonya na nag-aalok ng ating mga lupain likas na yaman sa pinakamataas na bidder.
Kapalit ng kasakimang ito ay kapinsalaan ng mga katutubong pamayanan ng Mangyan, magsasaka, at mangingisda na nahaharap sa pagtataboy, panggigipit, at karahasan para sa pagtatanggol sa kanilang mga lupain at kabuhayan. Ang militarisasyong ito na alingawngaw ng lagim na hinasik ni Col. Jovito Palparan noong 2001 ay humahantong sa mas malawakang paglabag sa karapatang pantao kabilang ang International Humanitarian Law, kabilang ang pagpatay sa mga aktibistang anti-mining.
Ating singilin ang hepe ng AFP, si Presidente Marcos Jr., sa pagpapahintulot at pagpapaigting ng militarisasyon sa kanayunan kakambal ng paglawak ng mga mapanirang proyekong malawakang pagmimina, planta ng enerhiya, at imprastraltura para sa korporasyon at hindi sa masa.
Marapat ding singilin ang mga ito ng kompensasyon para sa saribuhay, kabahayan, at kabuhayan na winasak ng militarisasyon sa Mindoro at iba pang probinsya.
Mahalaga ang ating pagtindig at pagkakaisa upang labanan ang sistemang ito ng pandarambong at terorismo ng estado. Sa pamamagitan ating sama-samang pagkilos ay maitutulak natin ang pagtitil sa militarisasyon at pandarambong sa Mindoro at buong bayan, upang at bumuo ng isang tunay na makatarungan at sustenableng lipunan.
Labanan ang militarisasyon at pandarambong!
Tanggol kalikasan, depensahan!

