Muli na namang ibinuyangyang ng Senado ang tunay nitong mukha bilang entablado ng mga kriminal. Nagbabangayan at nagkakagirian ang magkakaribal na paksyon ng mga despotikong naghaharing-uri—ang kampo ng mga Duterte at Marcos—habang nagsisilbi ring kanlungan ang senado ng mga kriminal at kurakot na desperadong umiilag sa pananagutan. Sa ikalawang pagkakataon na umusad ang impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, ikalawang beses ding nasaksihan ng mamamayan ang garapalang maniobra upang pigilan, antalahin, at ilibing ang pagkamit ng hustisya mula sa pagnanakaw at kapabayaang ginagawa nito sa taumbayan.
Desperadong inililibing ng mga kaalyado ni Sara Duterte ang pagnanakaw at paglulustay nito sa pondo ng bayan. Habang milyun-milyong Pilipino ang binabaon sa gutom, mababang sahod, kawalan ng trabaho, at tuluy-tuloy na pagsirit ng presyo ng mga batayang bilihin, bilyun-bilyong pisong confidential at intelligence funds ang ginawang personal na kaban ng mga Duterte at kanilang kasabwat.
Walang maaasahan ang sambayanang Pilipino sa mga salaulang senador na ang tanging debosyon ay ang kani-kanilang interes pampulitika at pang-ekonomya. Mala-telenovela ang pagpapalit ng liderato ng Senado, muling sumulpot si Ronald “Bato” Dela Rosa matapos ang pagkawala nang higit anim na buwan. Ang muli nitong paglitaw ay hindi para humarap sa pananagutan, kundi upang tiyakin na mananatiling buo ang kanilang kampo gayundin sa mga kapwa niyang senador na mgam makasarili sa pagpili ng bagong liderato ng Senado.
Hindi na nakapagtataka ang pagboto ni Loren Legarda kay Alan Peter Cayetano sa panahong humaharap ang anak niyang si Leandro Leviste sa kriminal na kasong isinampa ng Department of Energy kaugnay ng pagmamay-ari nito sa Solar Para sa Bayan Corporation. Ang pagkiling naman ng magkapatid na Villar matapos mabawi sa kanilang kontrol ang PrimeWater bunsod ng sunud-sunod na kapalpakan at matinding pagbatikos sa operasyon nito sa iba’t ibang lugar sa bansa. Hindi prinsipyo o serbisyong publiko ang nangingibabaw sa Senado kundi ang pagtatanggol ng mga dinastiya, negosyo, at personal na interes ng naghaharing-uri.
Sa gitna ng lahat ng ito, sinusubukan ding limliman ng Senado si Bato Dela Rosa upang makaiwas sa pag-aresto batay sa warrant ng International Criminal Court dahil sa kaniyang papel bilang pangunahing kasabwat sa madugong war on drugs ni Rodrigo Duterte. Nasaan ngayon ang tapang na ipinagmamalaki ni Bato? Nasaan ang yabang ng taong walang habas na pumaslang sa libu-libong Pilipino sa ngalan ng isang huwad na gera kontra droga? Ngayong inuusig na siya ng pandaigdigang hustisya, nagkukubli siya sa likod ng Senado at sa proteksyon ng kaniyang mga kapwa burukrata.
Lalong nailalantad sa lahat ng ito ang kabulukan ng naghaharing sistema. Habang nagsasagutan at nag-aagawan sa poder ang mga naglalabang paksyon, patuloy namang kumakalam ang sikmura ng mamamayan. Habang abala sila sa pagsasalba sa sarili nilang interes, lalong lumulubog sa gutom, kahirapan, at kawalan ng kabuhayan ang sambayanang Pilipino. Habang pinoprotektahan ng Senado ang mga mamamatay-tao at magnanakaw, ipinapasa naman sa mamamayan ang bigat ng krisis sa ekonomya, mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng disenteng trabaho, at pagkawasak ng kalikasan.
Ang mga maniobrang ito ay malinaw na manipestasyon ng isang bulok, mala-kolonyal, at mala-pyudal na sistemang pinaghaharian ng mga burukrata kapitalista, dinastiyang politikal, at iba pang naghaharing-uri na handang isakripisyo ang buhay at kinabukasan ng mamamayan upang mapanatili ang kanilang kapangyarihan at kayamanan.
Hindi hustisya ang maaasahan mula sa mga institusyong kontrolado rin ng naghaharing-uri. Tanging ang militanteng pagkilos ng mamamayan ang tunay na makapagpapayanig sa makakapal nilang pader. Sa sama-samang pagkilos ng mamamayan maipapanagot ang mga kriminal, mapababagsak ang bulok na sistema, at maipaglalaban ang tunay na hustisyang panlipunan.
