Walang Pag-asa sa Pekeng Demokrasya: Ang Tunay na Lakas ay Nasa Pagkilos ng Nagkakaisang Mamamayan!

Walang Pag-asa sa Pekeng Demokrasya: Ang Tunay na Lakas ay Nasa Pagkilos ng Nagkakaisang Mamamayan!
Litrato ng Altermidya

Pahayag ng Kalikasan People’s Network for the Environment
Mayo 15, 2025

Lalong pinatunayan ng nagdaang eleksyon na ito ay entablado ng mga naghaharing uri, pinamumugaran ng mga nag-aagawang dinastiya at tuta ng mga imperyalistang bansa. Ito ay manipestasyon ng lumalalang krisis pampulitika sa bansa, kung saan nagkukumahog ang mga naghaharing uri na magkaroon ng pwesto sa kapangyarihan; katulad ng kung paanong pinag-aagawan ang likas na yaman alang-alang sa tubo ng iilan. 

Hindi ito eleksyon ng taumbayan. Ito ay eleksyon ng mga panginoong maylupa, malalaking negosyante, at mga tuta ng dayuhan. Ito ay naging paligsahan ng mga makapangyarihan para sa kani-kanilang interes. Sa ilalim ng kanilang pamumuno, patuloy na nilalapastangan ang kalikasan at karapatan ng mamamayan, pinapalayas ang mga katutubo at magsasaka mula sa kanilang mga lupaing ninuno, at pinapatahimik ang mga tumitindig para sa hustisya at kalikasan sa pamamagitan ng pananakot at karahasan. Tiyak na lalala ang mga suliranin na ating haharapin sa susunod na mga taon – kawalan ng trabaho, mababang sahod, pandarambong sa kalikasan, kahirapan, karahasan, at iba pang pagtapak sa ating mga batayang karapatan. 

Sa kabila ng madilim na resulta ng eleksyon, napatunayan ng mamamayan na kaya nating magbuklod, lumaban, at magpaningning ng liwanag ng pagbabago mula sa mga komunidad, sektor, at organisasyong hindi kailanman sumuko sa laban para sa kalikasan at karapatan. Ipinapakita ng ating karanasan na hindi sa eleksyon, at lalong hindi sa mga nakaluklok na sa pwesto, matatagpuan ang pag-asa ng sambayanang Pilipino. 

Lalong itinutulak ng bulok na sistema ng pulitika sa bansa ang mamamayang Pilipinong tumungo sa ating mga entablado – sa kalsada, sakahan, pangisdaan, pabrika, maralitang lunsod, at sa lahat ng komunidad kung nasaan ang mayorya ng masa na magdadala ng tunay na pagbabago. Di hamak na mas malawak ang ating entablado upang patuloy na payabungin ang ating mga ipinunla at anihin ang mga paunang pagsulong. Lahat ng ito ay tungo sa ganap na pagbabago kung saan may lehitimong gubyerno ang mamamayan, at may tunay sa demokrasya at kalayaan. 

Ngayon higit kailanman, hinihiling ng panahon na tayo’y magkaisa. Hindi natin hahayaan na patuloy na yurakan ang ating dangal at karapatan. Hindi natin hahayaan na ang kalikasan ay tuluyang sirain ng mga ganid sa kapangyarihan. Ang ating panawagan: Mag-organisa, magmobilisa, kumilos! Ipaglaban ang lupa, kalikasan, at kinabukasan. 

Ang tunay na demokrasya ay hindi ipinagkakaloob-ito ay ipinaglalaban!